Hindi inasahan ng pamahalaan ang biglaang pagsirit ng naitatalang kaso ng COVID-19 nitong nakaraang mga araw.
Ito ang naging pag-amin ni Health Secretary Francisco Duque III, makaraan aniyang niluwagan ang ilang restrictions para muling makabangon ang ekonomiya.
Dagdag pa ni Duque, dahil nga tumaas na ang kaso ng virus sa nakalipas na mga araw, nararapat lang aniya na magkaroon ng adjustment para mapigil ito.
Kasunod nito, inanunsyo ng Palasyo ang pagpapatupad ng skeletal workforce o 30% hanggang 50% na operational capability sa mga tanggapan ng pamahalaan para makatulong na mahinto ang pagtaas pa ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Habang ang mga lungsod naman sa National Capital Region (NCR) ay muling isinailalim ang kani-kanilang mga lugar sa curfew na magsisimula ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.