Nilinaw ng Malakaniyang na hindi magbibigay ang gobyerno ng ayuda gaya ng ipinamahagi noong unang isinailalim sa lockdown ang Metro Manila at ilang karatig lalawigan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi naman pinigilan ang paghahanap buhay ngayon at maaaring makapagtrabaho pa rin ang lahat sa ilalim ng ipinatupad na general community quarantine (GCQ) bubble sa NCR Plus.
Kung tatanungin aniya kung anong ayuda ang maaaring ialok ng gobyerno sa sitwasyon ngayon, ito ay ang loans o emergency employment.
Noong nakaraang taon, namahagi ng bilyon-bilyong halaga ng cash aid ang gobyerno sa mga indigent at nawalan ng trabaho matapos magpatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) bunsod ng COVID-19 pandemic.
Ang ECQ ang itinuturing na pinaka mahigpit sa apat na lockdown levels na ipinatutupad ng pamahalaan.