Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA ang reklamo ng isang pari kaugnay sa nabuksang balikbayan box nito noong Oktubre 15.
Sa panayam ng DWIZ, kinumpirma ni Fr. Joe Relente ng Diocese of Kalibo sa Aklan na nakausap na niya si NAIA Terminal 1 Manager Dante Basanta hinggil sa kanyang reklamo.
Galing Los Angeles, USA ang pari, sakay ng Korean Airlines Flight KE-623 nang dumating ito sa Maynila.
“Nakausap ko rin yung manager ng airport 1 si Mr. Dante Basanta, at sabi niya ay iimbestigahan niya upang ito ay mabigyan ng atensyon.” Ani Relente.
Gayunman, sinabi ni Fr. Relente na hindi siya magsasampa ng kaso.
“Hindi po naman kasi ang gusto ko lang mangyari ay ituwid ang hindi maganda upang tayo’y mapagkatiwalaan at malinis an gating pangalan, wala akong balak na magsampa ng kung anumang kaso, ituwid lang ang hindi maganda.” Pahayag ni Relente.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang NAIA Management sa Incheon Airport sa South Korea kung saan sila nag stop over mula sa Estados Unidos upang alamin kung doon nagkaroon ng problema.
Binigyang diin ni Father Joe na hindi na mahalaga para sa kanya ang mga nawalang gamit sa loob ng kanyang bagahe, ang importante ay maitama ang mga pagkakamaling nagawa laban sa kanya at sa posibleng maging biktima pa sa hinaharap.
Matatandaan na isa sa mga kahong dala ni Father Joe mula sa US ay wala nang tali nang lumabas sa NAIA at pagdating sa kanilang tahanan, nakita ang tali sa loob ng kahon at ang marami sa mga gamit ng pari ang nawala.
By Meann Tanbio | Len Aguirre | Ratsada Balita