Binira ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulitikong pumupuna sa kanyang pamumuno sa naganap na pulong balitaan nito kagabi, Marso 22.
Ayon sa Pangulo, luma ng pamamaraan ito ng mga pulitiko upang magmalinis.
It’s a classic case of you want to appear white, you paint the other guy black para ang labas mo puting-puti ka. Si Mr. Clean, parang ganoon. Style bulok,” wika ng Pangulong Duterte.
Ito ang binitawang pahayag ng Pangulo kasunod ng patutsada ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ginagamit lamang ng ilang pulitiko ang pandemya dahil nalalapit na ang eleksyon.
Kaugnay ito sa mga katanungan nina Senadora Risa Hontiveros at Senador Panfilo Lacson ukol sa kaunting suplay ng bakuna ng bansa sa kabila ng napakalaking inutang ng gobyerno sa world bank.
About the vaccines that we are going to buy, well donated ito lahat sa ngayon…Ngayon itong darating, darating na ‘yung babayaran natin. Doon pa dapat sila magtanong kung nasaan na ‘yung pera,”ani ng Pangulo
Batay naman sa tala ng Bangko Sentral ng Pilipinas nasa $98.5-B na ang utang ng bansa simula katapusan ng taong 2020.
Habang aprubado ng Asian Development Bank ngayong taon ang $400 milyon (P24 bilyon) na utang ng bansa bilang pambili ng Pilipinas ng suplay COVID-19 vaccine.
Ayon naman kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, inaasahang mababakunahan na sa Abril ang publiko matapos mabakunahan ang nasa 1.7 milyong healthworkers.
Magugunitang nagsimula ang pagtuturok ng donasyong bakuna kontra COVID-19 sa bansa nitong Marso 1 kung saan 336,656 ng health worker pa lamang ang nababakunahan magmula Marso 20. — sa panulat ni Agustina Nolasco