Inihirit ng Commission on Higher Education (CHED) sa Department of Health (DOH) na isama sa prayoridad na mabakunahan kontra COVID-19 ang mga guro at iba pang kawani sa mga higher education institutions.
Sakop ng naturang hirit ang pampubliko at pribadong mga unibersidad kung saan una na silang pinaghanda ng listahan ng mga guro at tauhan na handang magpabakuna.
Ayon kay CHED Chairman Prospero De Vera, layon nitong mapaghandaan ang unti-unting pagbubukas ng mga college and universities sa bansa bilang bahagi ng pagbangon ng ekonomiya.
Batay sa memorandum na nilagdaan ni CHED Executive Dir. Lily Freida Milla, inirerekomenda nilang ibilang sa priority group B ng vaccination program ang mga teaching at non-teaching personnel.