Nilinaw ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang dahilan kung bakit hindi pwedeng direktang mag-angkat ang mga pribadong sektor sa mga manufacturer ng COVID-19 vaccine.
Ito ay kasunod ng apela ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na payagan ang pribadong sektor na mag-angkat ng bakuna upang mapabilis ang pagbabakuna sa mga manggagawa.
Ayon kay Concepcion, ang dahilan kung bakit hindi maaaring dumirekta ang mga pribadong kompanya ay bunsod ng Emergency Use Authorization kung saan napapailalim ang bakuna laban sa COVID-19 kung kaya’t pamahalaan ang direktang makikipag-usap sa manufacturer habang ang kompanya ang magbabayad.
Dagdag nito, ang gobyerno lamang din kasi ang pwedeng magbigay ng bayad pinsala o indemnification para sa mga makararanas ng side effect matapos maturukan.
Gayundin naman, kinakailangan rin aniyang dumaan ang mga kompanya sa tripartite agreement kasama ng pamahalaan.
Giit naman ni PCCI President Emeritus George Barcelon na handa naman ang PCCI na pumasok sa isang kasunduan kasama ang gobyerno para makabili ng bakuna, huwag lang aniya pagbawalan ang ilang negosyo gaya ng sigarilyo,alak, at gatas.— sa panulat ni Agustina Nolasco