Tatanggapin ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez ang anumang ipapataw na parusa matapos siyang magpaturok ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Una nang binatikos si Romualdez sa tila VIP (very important person) treatment dito matapos magpaturok ng Sinovac vaccine gayung hindi naman kasama sa priority list lalo’t hindi naman siya frontliner.
Sinabi ni Romualdez na sasagutin niya ang show-cause order ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil batid niyang may basehan ang pagpapabakuna nya.
Iginiit ni Romualdez na hindi naman itinago sa publiko ang kanyang pagpapabakuna dahil nais niyang ipakita sa kanyang constituents na ligtas ang bakuna at walang dapat ikatakot dito.
Nilinaw pa ni Romualdez na ang ginamit na bakuna sa kanya ay mula sa mga sobrang bakuna na inilaan sa lungsod na maaaring gamitin sa iba pang nasa priority list.