Maaari ng magdeklara ang mga Brgy. Chairman sa Maynila ng lockdown sa kani-kanilang nasasakupan.
Ito’y matapos bigyang awtorisasyon ni Manila City Mayor Isko Moreno ang mga Brgy. Chairman sa Maynila sa ilalim ng Executive Order no.12.
Nakasaad sa EO na maaaring isailalim sa lockdown ng mga Brgy. Chairman ang nasasakupang lugar kung mayroong maitatalang sampu o higit pa na COVID-19 active cases.
Kailangan rin magbigay ang mga Brgy. Chairman ng dalawang araw bago ideklara ang lockdown sa naturang lugar.
Bukod dito, kailangan rin iberipika ng manila health department ang bilang ng active cases ng COVID-19 bago simulan ang lockdown sa mga Barangay.
Ipinagbabawal ang paglabas sa mga bahay ng mga residente habang nasa ilalim ng lockdown maliban lamang kung ito ang mga sumusunod:
-health workers, military personnel, service workers, utility workers, essential workers, Barangay officials at media practitioners na accredited ng presidential communications operations office at inter-agency task force.
Samantala, magtatalaga ng mga kapulisan sa mga lugar na idedeklara ang lockdown upang magbantay para sa implementasyon ng ECQ.— sa panulat ni Rashid Locsin