Sapat pa rin ang puwersa ng Philippine National Police (PNP) para magpatupad ng mahigpit na quarantine protocols sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR plus bubble.
Ito ang tiniyak ni DILG Officer – In – Charge Usec. Bernardo Florece makaraang i-anunsyo ng Malakaniyang na muling isasailalim sa ECQ ang mega Manila dahil sa walang patid na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Florece, katuwang naman ng PNP ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagbabantay sa mga quarantine controlled points o checkpoint gayundin sa pagpapatupad ng mas pinaagang curfew.
Maliban sa mga border checkpoint papasok at palabas ng NCR plus bubble, maglalatag na rin ng checkpoint ang mga awotirdad sa hangganan ng Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.
Inatasan na rin ni Florece ang mga opisyal ng barangay na tulungan ang pulisya sa pagpapatupad ng mahigpit na health and safety standards upang mapababa ang kaso ng virus sa mega Manila.