Binuweltahan ng Malakaniyang ang mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa selebrasyon ng kaniyang kaarawan.
Tinawag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na utak talangka ang pagpapakita pa ng handa ni Pangulong Duterte sa kaniyang kaarawan.
Ani Roque ang mahalaga ay hindi gaanong magarbo ang naging selebrasyon ng Pangulo.
Una rito, binatikos ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite ang umano’y pinakalat na litrato ni Sen. Bong Go kung saan ipinakikitang napaka-simple lamang ng birthday celebration ng Pangulo dahil sa handa nitong pansit at kanin na ginawang cake at nilagyan ng kandila.
Ngunit kumalat ang kabuuan ng larawan kung saan makikita ang iba pang handa ng Pangulo na mayroon pang lechon.
Ayon kay Gaite tila isang insulto sa tunay na mahihirap ang ipinapakitang ito ng kampo ng Pangulo.