Muling binalaan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga operators ng mga kolorum na sasakyan na itigil na ang ginagawa nilang paglabag sa batas at quarantine guidelines.
Ito’y makaraang mahuli ang 12 colorum vehicles sa magkakahiwalay na operasyon sa ilang lugar sa Bicol region noong Semana Santa.
Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, iniulat ng Bicol Provincial Disaster Risk Reduction Management Office o PDRRMO na umabot sa 79 indibidwal ang pumasok sa rehiyon mula Metro Manila habang lulan ng mga kolorum na sasakyan at nagpositibo pa sa COVID-19.
Giit ni Tugade, sa gitna ng nararanasang krisis ng bansa, mahalagang isantabi muna ng mga operators ang kanilang pansariling interes para isalba ang buhay ng nakararami.