Libreng COVID-19 testing sa mga public utility vehicle drivers at mga pasahero ang panawagan sa gobyerno ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin.
Ito’y matapos magpositibo sa COVID-19 ang halos 80 pasahero ng mga colorum na sasakyan patungong Bicol mula sa Metro Manila.
Ayon kay Garbin, dahil mahal ang swab test, marami ang magbibigay ng konsiderasyon o magpapalusot sa mga pasahero upang sila rin naman ay kumita sa kanilang pamamasada.
Kaugnay nito, iminungkahi ng mambabatas na magamit ang parte ng pondo ng pantawid pasada program at kita mula sa pagcor para mabigyan ng libreng RT-PCR test ang mga tsuper at pasahero ng PUV.