Bahagyang gumanda ang kondisyon ng dating pangulong Joseph Estrada bagamat nananatili pa ito sa Intensive care unit (ICU) at nakasailalim sa mechanical ventilation.
Ayon ito kay dating senador Jinggoy Estrada na nagsabing normal na rin ang vital signs ng ama.
Una nang inilagay sa ICU ang dating pangulo nang lumala ang pneumonia nito, ilang araw nang isugod sa ospital matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kasabay nito, ipinabatid ni Jinggoy na nagpositibo rin sa COVID-19 ang asawa niyang si Precy subalit nagnegatibo naman siya sa isinagawang swab test sa kanya.
Positibo rin aniya at posibleng nahawahan ng dating pangulo ang nakakatandang kapatid nito.
Sinabi ni Jinggoy na ayaw ng kanilang mga doktor na uminom sila ng anti-parasitic drug na Ivermectin nang tanungin niya kung uubra silang gumamit nito partikular ang kaniyang ama.