Magpapadala na ng 100 medical workers ang Department of Health (DOH) sa iba’t ibang ospital sa National Capital Region (NCR).
Ito’y para madagdagan ang workforce sa mga ospital sa NCR dahil sa kakulangan sa health workers bunsod ng dumaraming pasyente na mayroong coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, magmumula ang dagdag na medical workers na ito sa mga probinsyang hindi nakararanas ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ani Duque, kailangan lang magtulungan upang mapunan ang kakulangan sa ibang ospital lalo’t marami na rin kasi aniya ang mga medical worker na nag positibo sa COVID-19 dahil sa kanilang trabaho.
Bagama’t marami na rin umanong nabakunahan kontra COVID-19 na mga medical frontliner hindi pa rin ito katiyakan na sila ay 100% nang ligtas sa pagkakaroon ng virus.
Una rito, umapela ng tulong sa gobyerno ang grupo ng mga pribadong ospital para sa karagdagang health workers sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.