Umapela sa gobyerno ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na isama sa priority list ng mabibigyan ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga abogado sa bansa.
Sa liham na ipinadala kay National Task Force Against COVID-19 chair at Defense Secretary Delfin Lorenza, inihayag ng ibp na isama sana ang mga abogado sa a4 group o mga frontline personnel sa essential public at private sectors.
Anila, marami na ring hukom, prosecutors at practicing lawyers ang nagpositibo sa COVID-19 sa kabila ng pagpapatupad ng lockdown at pagsunod ng mga ito sa health protocols.
Aktibo rin umanong sumusuporta ang IBP officers, mga miyembro at lahat ng chapters sa buong bansa sa mga COVID-19 patient, health workers at frontliners at tuloy-tuloy rin umano ang pakikipag-ugnayan ng IBP sa mga LGUs para makatulong sa pagbibigay-kaalaman sa publiko hinggil sa mga ipinatutupad na batas at ordinansa kaugnay sa nararanasang pandemya.