Inatasan ng Department of National Defense (DND) ang militar na imbestigahan ang panibagong pangha-harass sa mga mangingisdang Pinoy na may kasamang media sa West Philippine Sea.
Ito’y makaraang mapaulat na hinabol ng mga barko ng China na armado ng missile ang bangkang sinasakyan ng ABS-CBN News team sa pangunguna ng reporter na si Chiara Zambrano kahit na naglalayag ito sa rehiyon at nasa sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ayon kay Defense spokesperson Arsenio Andolong, mahalagang malaman ang iba pang mga pangyayari sa likod ng insidente upang makagawa ng karampatang aksiyon ang NTF WPS o National Task Force for the West Philippine Sea, kasama ang iba pang kinauukulang ahensya.
Nabatid na lulan ng isang fishing boat at patungo sana sa Ayungin Shoal ang grupo ni Zambrano nang itaboy sila ng mga Tsino kaya’t napilitan silang bumalik at hindi pa nakuntento ay hinabol pa sila ng dalawa pang mabibilis na barko.