Umapela ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa Department of Education (DepEd) para ilabas ang datos ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa mga guro at ilang personnel, gayundin ang assistance para sa mga empleyado ng ahensya na dinapuan ng virus.
Binigyang diin ni TDC National Chair Benjo Basas na responsibilidad ng DepEd na tiyakin ang tulong sa mga empleyado nito lalo na ang mga nangangailangan ngayong may health crisis.
Sinabi ni Basas na kahit pa hindi nakuha ang virus sa community transmission, responsibilidad pa rin silang mga guro ng DepEd na tumatayong employer nila lalo pang lantad sa infection ang mga grupo bilang frontliners sa edukasyon.
Ayon pa kay Basas, may mga natanggap silang report na maraming gurpo mula sa Region 2 ang nagpositibo sa COVID-19 na hindi pa nabibigyan ng tulong ng DepEd.
Dapat aniyang mabatid ng publiko kung ilang guro at kawani ng DepEd ang nahawahan ng COVID-19 at kung bakit sila nahawa na maaaring dahil sa physical reporting, home visitation, face to face meetings at seminars na iniutos naman ng DepEd.