Pinatututukan ng OCTA Research group ang gobyerno sa pamamahagi ng limitadong suplay ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines sa mga lugar na mayroong mataas na kaso tulad ng Metro Manila at CALABARZON.
Ayon ito kay OCTA Research Professor Ranjit Rye na nagsabing magsusumite sila sa gobyerno ngayong linggo ng sariling vaccine model kung saan maaaring gamitin ng pamahalaan ang risk-based approach.
Nangangahulugan ito aniya na unahin dapat na maturukan ang lahat ng health care workers, matatanda at mga indibidwal na mayroong comorbidities.
Sinabi pa ni Rye na dapat ding pagtuunan ng pansin ang National Capital Region (NCR) at CALABARZON para maabot ng bansa ang herd immunity at maabot ang posibilidad na bumaba ang kaso ng COVID-19.
Suportado rin ng OCTA Research ang risk-based approach para sa alokasyon ng mga bakuna subalit maaaring pairalin ng gobyerno ang pagre-allocate ng spaces dahil na rin sa kakulangan ng suplay ng bakuna at pagpilit na muling buksan ang ekonomiya ng bansa.
Inihayag ni Rye na maaaring magreklamo rito ang ibang rehiyon subalit maihahalintulad ang pandemic sa isang ahas na kung uunahing putulin ang ulo ay malaki ang tyansang magkaroon ito ng malawak na epekto sa laban kontra COVID-19.