Nagpaalala ang ilang health experts sa mga indibiduwal na may sakit sa puso at high blood na nais magpabakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Philippine Heart Association at cardiologist, Doctor Orly Bugarin, na hindi ipinagbabawal ang pagpapabakuna sa mga nakararanas ng naturang karamdaman.
Gayunman, kinakailangan aniyang matiyak na iniinom nila sa tamang oras ang kanilang mga maintenance na gamot.
Dapat din aniyang maging maingat ang mga ito sa kinakain at tiyaking may healthy lifestyle habits.
Muli ring binigyang diin ng eksperto na hindi dapat na maging hadlang ang pagkakaroon ng cardiovascular diseases para maturukan ng COVID-19 vaccine. —ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)