Uuwi na sa bansa sa Abril 19 ang 10 pinalayang Pinoy na manlalayag na dinakip sa Gulf of Guinea.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), pinakawalan noong Abril 11 ang mga Pinoy isang buwan matapos maiulat ang pagdukot sa mga ito.
Ang mga Pinoy bahagi ng labinlimang crew members ng chemical tanker na “Davide B” na inatake ng mga armadong lalaki at dinukot sa baybayin ng Benin sa nasabing gulpo.
Hindi naman kasama sa mga dinakip ang anim na iba pang Filipino crew kaya’t nakauwi ang mga ito noon pang Abril 3.
Nabatid na lalapag ang mga Pinoy sa Clark International Airport mula Amsterdam via Qatar Air.