Iniimbestigahan na ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang grupong Viber 500 na umano’y nagpahayag nang pagkalas ng suporta sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon ito kay AFP Chief of Staff General Cirilito Sobejana na tinawag na ‘fake news’ ang pinalulutang ng nasabing grupo.
Mahigpit na itinanggi ni Sobejana na bahagi siya ng naturang grupo, gayundin ang iba pang opisyal ng AFP, kasabay ang pakiusap na huwag i-share ang mga katulad na post ng hindi pa nabeberipika mula mismo sa mga otoridad.
Nakita namin sa socmed post na nagsasabi na kasama kami sa Viber 500 at sinasabing we are withdrawing our support from the commander-in-chief and the president. Pinabulaanan na namin ‘yan wala pong katotohanan at we even made a public statement yesterday telling our people na wag tayong maniwala sa mga fake news. Kailangan pag may mga lumalabas na ganyan, tatanungin natin ‘yung concern or the authorities bago natin i-share sa iba,” ani Sobejana.
Tiniyak ni Sobejana ang pagiging tapat sa tungkulin ng sandatahanang lakas na protektahan ang Pangulong Duterte at Sambayanang Pilipino.
‘Yung inyong Armed Forces remains and will always be faithful to the nation and the chain of command, with our commande in chief, who is also our president, as the most senior in the chain of commands. Mananatili po kaming faithful sa pagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayan at sa ating commander in chief at the same time our president,” ani Sobejana. —sa panayam ng IZ sa Alas Sais