Inaresto ng mga awtoridad mula sa Bureau of Immigration (BI) ang 36 na mga dayuhan.
Ito’y sa bisa ng ikinasa nilang raid sa isang illegal online gaming company sa Double Dragon Plaza Tower 3 sa lungsod ng Pasay.
Ani BI Commissioner Jaime Morente, sa natanggap nilang impormasyon, may mga dayuhan anila sa naturang lugar na walang mga kaukulang dokumento.
Sa pakikipag-ugnayan ng ahensya sa PAGCOR, dito na napag-alaman na hindi lisensyado ang naturang gaming company at hindi rin anila ito pinapayagang mag-operate.
Dahil dito, inaresto ng mga awtoridad ang 36 na mga dayuhan na kinabibilangan ng dalawang Chinese nationals; dalawang Indonesian; at 32 mga Korean nationals.
Sa ngayon, nakakulong ang mga dayuhang ito sa warden facility ng ahensya sa Taguig habang patuloy pang hinihintay ang mga resulta ng kanilang swab test.