Suportado ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang inisyatibo ng mga mamamayan na nagbubukas ng community pantry sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ito’y sa gitna ng umano’y red tagging at profiling ng mga otoridad sa mga nasa likod ng community pantries na ito.
Ayon kay IBP President Domingo Cayosa, sa halip na red tagging at profiling, dapat ay papuri ang natatanggap ng mga organizer ng naturang mga community pantry.
Giit ni Cayosa, walang anomang batas na nilalabag sa pagpapakain ng libre sa mga taong nangangailangan na siyang layon ng pagbubukas ng community pantries.
Una rito, itinanggi ng PNP na mayroong direktiba sa kanila na magsagawa ng profiling sa mga organizer ng community pantry ngunit inamin ng anti-insurgency task force ng gobyerno na nagkaroon nga ng pagsasagawa ng background check sa mga ito.