Patuloy na tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y ayon sa Administrative Support to COVID 19 Operations Task Force o ASCOTF matapos makuha ang datos mula sa PNP Health Service.
Nabatid na nasa 201 ang mga nadagdag sa bago nilang kaso dahilan para umabot sa 19,298 ang kabuuang bilang ng mga ito.
Sa nasabing bilang, 2,133 ang mga aktibong kaso matapos naman madagdagan ng 190 ang hanay ng bagong gumaling kaya’t umakyat na sa 17,113 ang total recoveries.
Samantala, kinumpirma naman ni ASCOTF Commander at Deputy Chief PNP for Administration Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar na nadagdagan pa ng isa ang nasawi dahil sa COVID-19 sa PNP dahilan upang sumampa sa 52 ang death toll.
Ang nasawi aniya ay isang 50-anyos na police commissioned officer na nakatalaga sa Police Regional Office 3 o Central Luzon at nasawi noong Miyerkules, Abril 21. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)