Hinimok ng isang neurosurgeon ang gobyerno na magpatupad ng bagong guidelines para maiwasan ang hawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa gitna ng mga lumalabas na pag-aaral na ito ay posibleng airborne.
Ayon kay Dr. Ronnie Baticulon, dapat ay hindi ipagsawalang bahala ang mga lumalabas na pag-aaral na ito at sa halip ay maipaalam sa publiko.
Ito aniya ay para mas makapag ingat ang lahat kasabay ng paglalabas ng mga bagong alituntunin na aangkop sa posibleng airborne transmission ng nasabing virus.
Halimbawa aniya rito ay ang paglalagay ng electric fan sa halip na aircon o natural na hangin na lamang sa mga pampublikong transportasyon upang hindi ito maging kulob.
Mainam din kung makapagsusuot ang publiko ng mataas na kalidad ng face mask at face shield para mas matiyak ang kaligtasan sa hanging nilalanghap.