Ikinakasa na ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang mga kinakailangang dokumento upang makakuha ng COVID-19 vaccine na Sputnik V na gawa ng Russia sa sandaling dumating na ito sa bansa.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, batid nila kung gaano kasensitibo ang storage requirements ng Sputnik V subalit, tiniyak nito na kakayanin nilang mag-imbak nito.
Kinakailangan kasi na naka-imbak ang Sputnik V sa pasilidad na may temperaturang -20 degrees celcius at kinakailangang maubos agad sa loob lang ng 2 oras matapos buksan.
Meron naman kaming vaccination site, yung Lakeshore vaccination site namin that can give 400 – 800 vaccines a day, five minutes lang ho mula dun sa aming cold storage facility so yun ho, kayang kaya ho natin” wika ni Cayetano.
Ginawa ni Cayetano ang pahayag matapos na buksan ang ika-8 vaccination hub ng Taguig City na matatagpuan sa Bonifacio High Street East sa Brgy. Fort Bonifacio.
At para masigurong tama ang pagkonsumo sa Sputnik V, sinabi ni Cayetano na nagpapatuloy ang ginagawa nilang time in motion studies katuwang ang Pambansang Pulisya kung paano nila maibibiyahe ng mabilis ang mga bakuna sa mga Vaccination sites ng lungsod.
The city is ready and we have been doing simulations since last week,” dagdag ng Alkalde.