Nababahala ang isang grupo ng mga pharmacist dahil sa pamamahagi ng libreng kapsula ng anti-parasitic drug na Ivermectin sa Quezon City.
Sinabi ni Gilda Saljay, Philippine Pharmacists Association President, nakakaalarma ang paraan ng pamimigay sa publiko ng Ivermectin na sinasabing malinaw raw na pangontra laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ani Saljay, batay sa mga larawang kumakalat sa social media, makikita ang reseta para sa Ivermectin na iniaabot ng dalawang mambabatas na walang nakalagay na pangalan ng doktor at license number.
Ito aniya ay malinaw na labag sa Republic Act 10918 o Philippine Pharmacy Act.
Ibig sabihin din nito, walang panghahawakan ang mga pasyente kung sakaling may mangyari sa kanilang masama dahil sa pag-inom ng pinamahaging Ivermectin.
Kahapon, namahagi si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor at SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta ng libreng kapsula ng Ivermectin sa Quezon City sa kabila ng mga babala ng iba’t ibang health organizations at experts.