Nagpaalala ang pamunuan ng Philippine College of Physicians (PCP) na hindi lang quarantine measures ang kailangang ng bansa para tuluyang masugpo ang banta ng COVID-19.
Sa isang pahayag, sinabi ng vice president ng grupo na si Dr. Maricar Limpin na suportado nila ang contact tracing at mass testing bilang maituturing na long term solution para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng virus.
Giit ni Limpin na malaki naman ang ambag ng umiiral na mahigpit na quarantine restriction para mapabagal ang transmission o hawaan ng COVID-19, pero hindi aniya ito sapat.
Kung kaya’y anito na kinakailangan ng bansa ang pagkakaroon ng uniform o iisang paraan ng contact tracing.
Paliwanag ni Limpin na standard na kasi ang pagkakaroon ng contact tracing sa bansa para maging mabilis ang paghahanap sa mga posibleng dapuan ng virus oras na ma-expose ang mga ito sa isang positibo sa COVID-19.
Bukod pa rito, makatutulong din ito na agad silang maihiwalay sa populasyon o ma-i-isolate.