Pumalag ang Commission on Human Rights at ang Makabayan bloc sa mandato ng Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kapulisan na arestuhin at ikulong ang mga lalabag sa ‘di pagsusuot ng facemask sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay CHR spokesperson Jacqueline Ann de Guia, punuan na ang mga kulungan sa bansa at hindi solusyon ang pagkulong upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga komunidad.
Aniya, ang kawalan ng malinaw na panuntunan sa pag-aresto sa mga lalabag ay maaaring magdulot ng pag-abuso.
Giit ni De Guia, masinsinang edukasyon at pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa COVID-19 at hindi takot ang makatutulong upang sumunod ang taong-bayan sa health at safety protocols.
Dagdag nito, tayo ay nasa ilalim ng quarantine dulot ng pandemya at hindi dapat ma-lockdown ang karapatan kahit na kailangang sumunod sa health protocols at tamang pagsusuot ng facemask.
Ayon naman kay Gabriela Rep. Arlene Brosas na ang daming sinasabi ng Presidente pagdating sa face mask, ngunit ang tunay aniyang pangangailangan ng mamamayan para sa mga health measures ay hindi niya maibigay.
Dagdag nito, tanging alam lang ng administrasyong ay puro military measures.
Samantala, mungkahi naman ni ACT Teachers Rep. France Castro sa halip na arestuhin ay magbigay na lamang ng facemask.
Magugunitang ipinag-utos ng Pangulo sa pulisya na ikulong at arestuhin ang mga mahuhuling hindi nakasuot ng facemask sa pampublikong lugar sa kanyang ulat sa bayan kagabi.