Mas nakakahawa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) variant na nadiskubre sa India.
Ayon ito kay Dr. Eva Dela Paz, executive director ng UP-National Institutes of Health (NIH) matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) ang dalawang kaso ng B.1.167 variant na kinabibilangan ng dalawang Pinoy workers galing Oman at United Arab Emirates.
Gayunman, sinabi ni Dela Paz na iniimbestigahan pa kung gaano kabangis ang India variant dahil kailangan pang pag-aralan ang iba pang factors sa pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa India.
Ayon pa kay Dela Paz, hindi pa rin natutukoy ng Philippine Genome Center ang COVID-19 variant na tumama sa 12 tripulante ng MV Athens Bridge na dumaan sa India, Vietnam at Malaysia bago dumaong sa Sangley Point sa Cavite.
Kasabay nito, muling ipinaalala ni Dela Paz ang mahigpit na pagsunod sa health and safety protocols para makaiwas sa COVID-19.