Tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi masasayang ang bagong dating na 2-milyong doses ng AstraZeneca vaccine na mag-eexpire na sa Hunyo at Hulyo.
Sa report ng National COVID-19 Vaccine Operations Center, 1.5-million ng doses ng AstraZeneca ang mag-eexpire sa ika-30 ng Hunyo at 525,000 doses naman ay hanggang sa ika-31 ng Hulyo na lang.
Sinabi ni Duque na magagamit ang mga naturang bakuna para sa mga nasa A1 category upang makumpleto na ang turok sa health care workers, A2 o senior citizens at mga mayroong comorbidities.
Nilinaw ni Duque na mahigit kalahating milyong ng mga nasabing doses ng AstraZeneca vaccine ay gagamitin bilang second dose at ang nalalabi ay bilang first dose.
Nakipag-ugnayan na aniya siya kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos para magamit ang mga naturang bakuna bago mag-expire o maabot ang 120,000 pagbabakuna kada araw sa kalakhang Maynila na mangyayari sa loob lamang ng 10 araw.