Bumagsak ng 16% ang bilang ng mga naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas mula noong ika-5 hanggang ika-11 ng Mayo kumpara sa nakalipas na linggo.
Ito, ayon sa OCTA Research Group, ay makaraang maitala sa 6,522 ang 7-day average cases sa bansa kung saan nasa 0.81 naman ang reproduction number nito.
Nangangahulugan ito na mas mabagal na ang hawahan sa virus.
Gayunman, binigyang-diin din ng grupo na nagkaroon naman ng surge o pagsirit ng COVID-19 cases sa Zamboanga, na nanguna sa mga lugar na may pinakamataas na kaso ng virus sa labas ng Metro Manila.
Samantala, sa ngayon ay nasa 1,113,547 na ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong bansa kung saan 1,038,175 sa mga ito ang gumaling na, habang 18,620 ang nasawi.