Pinabibilisan ng isang health expert sa pamahalaan ang ginagawa nitong vaccination program bago pa mag-expire ang mga bakuna kontra COVID-19 sa susunod na buwan.
Ayon kay sa health expert na si Dr. Tony Leachon na dati ring health adviser ng task force ng pamahalaan kontra COVID-19, sa report ng pamahalaan ay nasa 36,000 lang ang daily average vaccinations nito o ‘yung bilang ng mga indibidwal na nababakunahan kada araw.
Ito aniya ay malayo sa ideal na daily average na 200,000 katao kada araw.
Kung kaya’t nangangamba si Leachon na masayang ang higit sa 1 milyong doses ng mga bakuna ng AstraZeneca na inaasahang mag-e-expire sa katapusan ng Hunyo.
Giit ni Leachon na imposible itong maubos o kaya’y maipamahagi kung hindi hihingi ng tulong ang pamahalaan sa mga local government units (LGU)’s sa bansa maging ang mga nasa pribadong sektor.
Kaugnay nito, nanawagan din si Leachon sa pamahalaan na gumawa na lamang ng karagdagang 5,000 vaccination sites sa halip na bumuo ng isang mega vaccination site na pwede pang maging super spreader ng virus.
Paliwanag ni Leachon na maaari itong gawing drive-thru o kaya’y isagawa sa mga parking lots.