Muling nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa National Security Council na magsagawa ng security audit sa DITO Telecommunity, ang third telco sa bansa.
Ayon kay Hontiveros, tumitindi ang pag-arangkada ng mga barko ng China sa West Philippines Sea kaya dapat na paigtingin pa ang seguridad — sa karagatan man o sa internet.
Aniya, hindi siya magsasawang mangalampag para imbestigahan ang planong pagtatayo ng cell sites ng DITO sa loob mismo ng mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Noong 2019 pa lang, naghain na ako ng Senate Resolution 137 para suriin ang kasunduan na ‘yan ng DITO at ng ating AFP. Sana ay dinggin na rin ang resolusyong ito sa Senado,” pahayag ni Hontiveros.
Bukod sa bakuran ng AFP, matagal na rin aniyang isyu ang ilegal na pagtatayo ng cell sites ng DITO sa mga barangay.
Nagreklamo na nga ang mga taga-Malabon at Bacolod. Dapat tutukan ‘yan ng DILG at DICT. Baka dahil sa kagustuhang makabenta ay nakakalimutan na ng DITO ang pagsunod sa batas,” sabi ng lady senator.
Taon na ang ginugugol natin sa mga pangambang ‘yan, na hanggang ngayon ay wala pa ring linaw. Paano naman tayo makakampante sa DITO, lalo na’t ang China-owned ChinaTel ay siyang nagmamay-ari rin ng ating third telco.“
Hindi na rin umano nagulat si Hontiveros na na-delist ang ChinaTel sa New York Stock Exchange (NYSE) na nag-ugat sa pag-ban ni dating US President Donald Trump sa pag-invest ng Amerika sa Chinese firms na tumutulong sa Chinese military, intelligence at security agencies.
Ani Hontiveros, dapat itong magsilbing babala sa mga ahensiya sa gobyerno.
Pursigido ang China sa panghihimasok sa teritoryo at ekonomiya ng Filipinas kaya dapat bantayan ang mga industryiang pinapasok nila sa loob ng ating bansa,” dagdag pa niya.