Pinagkalooban ng tulong ng Department of Education (DepEd) ang limang guro at dalawang volunteer-teachers ng Hubo Elementary School sa Magallanes, Sorsogon na nakaligtas matapos lumubog ang sinasakyan nilang bangka habang bumibiyahe patungong paaralan.
Sa isang pahayag, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na ang mga titser ay binigyan ng financial assistance at psychosocial support ng kanilang field office sa lalawigan dulot ng naranasang physical at emotional trauma ng mga ito.
Bukod dito, sinabi ni Briones na handa ring palitan ng Schools Division Office ang mga nasira o nawalang equipment ng mga guro at binigyan din ng sila ng sapat na leave credits upang tuluyang maka-recover sa trahedya.
Matatandaang na-rescue ang mga guro noong Mayo 3 makaraang lumubog ang sinasakyan nilang bangka nang hampasin ng malakas na hangin at alon.