Pinutulan ng kuryente ang islang bayan ng Rapu-Rapu sa Albay.
Ito, ayon kay Lesley Capus, head ng institutional relations and customer ng Albay Power and Energy Corporation (APEC), ay dahil sa P32-milyong utang sa kanila sa singil sa kuryente ng mahigit 1,000 member consumers nila simula pa noong 2014.
Sinabi ni Capus na P15-milyon ang hinihingi nilang bayad para huwag nang ituloy ang pagputol ng supply ng kuryente subalit mahigit P3-milyon pa lamang ang ibinayad sa kanila.
Taong 2018 pa lamang ay naniningil na sila sa Rapu-Rapu residents dahil hindi naman kayang abonohan ng APEC ang binibili nilang kuryente sa National Power Corporation.
Inihayag naman ni Rapu-Rapu Mayor Boy Galicia na posibleng ang kawalan ng opisina ng APEC ang dahilan kaya’t hindi nakakabayad ang mga residente.
Ipinabatid ni Galicia na mayroong payment outlet sa isla subalit may charge, samantalang mayroon ding collector subalit isa o tatlong beses kada taon.