Aabot sa 63 mga nurse mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) ang nakakalat na sa iba’t ibang Hospital sa Metro Manila.
Ito’y para tumulong sa nagpapatuloy na coronavirus disease 2019 (COVID-19) response ng pamahalaan partikular na sa National Capital Region (NCR).
Sa isinagawang send off ceremony kahapon sa BFP Headquarters sa Agham Road sa Quezon City, sinabi ni BFP Chief F/Dir. Jose Embang Jr na nagmula sa NCR at Region 3 ang mga fire nurse na kanilang idineploy.
Sumailalim aniya ang mga ito sa mabusising pagsasanay para disaster, special emergency, roadside at COVID response kaya’t malaki ang maitutulong nito sa pagtugon para pataasin ang recovery rate ng NCR.
Nagpasalamat naman si Dr. Gloria J. Balboa, Director ng Metro Manila Center for Health Development sa tulong na ipinagkaloob ng BFP para palakasin ang healthcare system sa NCR. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)