Inatasan na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng regional at Provincial Directors maging ang Chiefs of Police nito na magsumite ng vaccination assistance plan.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, layon nito na paghandaan ang pagbabakuna sa mga nasa A4 priority category na magsisimula sa susunod na buwan.
Kasunod nito, pinatitiyak din ni Eleazar sa mga hepe ng pulisya na hindi na maulit ang nangyaring pagdagsa ng publiko sa Parañaque City kamakailan.
Binigyang diin ng PNP Chief na mas mainam nang maging handa kaysa naman maulit ang kahalintulad na insidente na magreresulta sa muling pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa mga komunidad .
Magugunitang daan-daang senior citizens ang dumagsa sa isang mall sa Paranaque nitong Lunes para maturukan ng bakunang gawa ng Pfizer kung saan, hindi nasunod ang physical distancing. -ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)