Lubog pa rin sa baha ang nasa 25 barangay sa bayan ng Calumpit sa lalawigan ng Bulacan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Calumpit Municipal Mayor Jessie de Jesus na may ilang barangay na hanggang leeg pa rin ang tubig-baha.
Ayon kay De Jesus, bagama’t sanay na sa baha ang kanyang mga kababayan ay nagulantang ang lahat sa laki at lawak ng tubig-baha na bumuhos sa kanilang bayan.
“Nananatili po ang karamihan ng mga mamamayan ng Calumpit sa kani-kanilang bahay, at yun lang po talagang mga naninirahan sa mababang lugar, malapit sa kailugan ang nailikas at nadala sa evacuation centers, up to now po ay nasa evacuation centers pa po ang mga nai-rescue namin.” Ani De Jesus.
Until next week
Posibleng abutin pa ng hanggang susunod na linggo ang baha sa bayan ng Calumpit sa Bulacan.
Ayon kay Calumpit Mayor Jessie De Jesus, bahagya nang bumilis ang pagbaba ng tubig baha sa kanilang bayan, hindi katulad sa mga nagdaang panahon.
Sinabi ni De Jesus na tanging ang mga nasa mga barangay na inabot ng lampas tao ang baha ang lumikas sa evacuation center.
Bahagi na aniya ng buhay ng mga taga-calumpit ang baha kaya’t sanay na silang inaabot ng lampas bewang ang tubig sa loob ng kanilang mga tahanan.
Ang bayan ng Calumpit ang nagsisilbing catch basin ng tubig ulan na mula sa Pampanga at Nueva Ecija na parehong binayo ng bagyong Lando.
“Pinipilit po ng ating pamahalaang bayan na ibigay sa kanila ang nararapat subalit maliit lang po ang ating pinangagalingang pondo kaya po sainyo po na may magandang puso nananawagan po ako para sa kabutihan ng aking mga kababayan.” Pahayag ni De Jesus.
By Jelbert Perdez | Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit