Pinaiimbestigahan ni Senador Risa Hontiveros sa senado ang estado at kalagayan sa trabaho ng mga manggagawa sa tinaguriang ‘gig economy’.
Ito ay sa harap ng mga report ukol sa unfair working practices na nararanasan ng mga nasa gig economy tulad ng delivery riders, motorcycle taxi riders, grab car drivers at iba pang freelancers sa gitna ng pandemya.
Ang gig economy ay mga uri ng trabahong nakadepende sa teknolohiya at ginagamit ng mga kumpanya na umaasa sa mga independent contractors at freelancers; kadalasan ang mga trabaho rito ay part-time o pansamantala lang.
Sa kabila ng pagiging ika-anim ng Pilipinas sa mga bansang mabilis ang paglago ng merkado para sa gig economy workers, naaalarma naman ang mga manggagawa sa kakulangan ng seguridad sa trabaho, mababang sweldo, limitadong oportunidad sa sektor, at mga empleyado na pinalitan ng makina at teknolohiya.
Sa Senate Resolution No. 732 na inihain ni Hontiveros, nais matutugunan ang mga isyung kinakaharap ng mga nasa gig economy tulad ng di makatwirang pagtrato sa kanila bilang independent contractors at hindi mga empleyado.
Dahil dito, hindi sila kabilang sa mga manggagawang may healthcare benefits, 13th month pay, retirement pay, leave credits, days-off, at iba pang mga uri ng basic labor rights sa ilalim ng labor code.
Giit ni Hontiveros, tungkulin nila na tingnan ano ang pwedeng isulong na batas para maproteksyunan ang mga manggagawa na nasa tinaguriang gig economy. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)