Naharang ng mga elemento ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang iba’t-ibang wildlife species na idineklarang “lego toys” mula Kuala Lumpur, Malaysia.
Ayon kay Port of NAIA District Collector Carmelita Talusan, isang claimant ang naaresto matapos lumutang sa FedEx warehouse sa Pasay City.
Nang busisiin, bumulaga sa mga awtoridad ang 20 sulcata tortoises, 10 razorback turtles, isang red bearded dragon, dalawang corn snakes, at walong savanna lizards na itinago sa kahon kasama ang mga laruan.
Nabatid na ang claimant at ang consignee ay mahaharap sa mga kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Wildlife Resources Conservation and Protection Act.