Hiniling ni Senador Sherwin Gatchalian sa mga kapwa mambabatas na gawing prayoridad ang panukalang batas ukol sa mandatory registration ng pre-paid sim cards.
Ayon kay Gatchalian, ito’y para masawata ang mga panloloko at krimen kung saan prepaid sim card ang ginagamit.
Sang-ayon sa Senate Bill 176 ni Gatchalian, oobligahin ang mga direct seller ng sim cards na i-record ang mga ito o kaya ang magiging cellphone number, pangalan, at iba pang impormasyon ng bibili ng naturang simcards na siyang isusumite sa National Telecommunications Commission (NTC).
Sinabi pa ng senador na marami na ang reklamo hinggil sa text scams at dumami pa ito nang magkaroon ng pandemya dulot ng COVID-19.
Bukod kay Gatchalian, naghain din ng panukalang batas hinggil dito ang ilang senador kabilang na ang liderato ng senado.
Mababatid na hangad ng mga ito na masawata rin ang krimen at terorismo na maraming beses na ginagamit ang mga prepaid sim cards.