Pupwede nang makabiyahe ang mga mamamayan na sakop ng NCR plus patungo sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) simulang ngayong Martes ayon sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Kabilang sa mga lugar na sakop ng NCR plus ay ang National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Bukod pa rito, pinapayagan na ring magbukas ang mga resort sa loob ng NCR plus subalit hanggang 30% capacity lamang ang limitasyong itanakda ng IATF at dapat na accredited ng Department of Tourism (DOT) ang resort.
Samantala, nagpaalala naman ang DOT sa mga nagnanais o nagpaplanong bumiyahe na alamin muna ang mga requirements ng mga lokal na pamahalaan bago tumungo sa isang lugar na nasa ilalim ng MGCQ.
Dagdag ng DOT, bawal pa ring bumiyahe sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).