Inihayag ng city administrator ng lungsod ng Caloocan na si Engr. Oliver Hernandez na sablay ang tiyempo ng paghahain ng kasong katiwalian ng mga kaaway sa pulitika ni Mayor Oca Malapitan hinggil sa pagtugon nito kontra COVID-19.
Sa isang pahayag, sinabi ni Hernandez na halatang-halata na ang reklamo ng mga miyembro ng oposisyon hinggil sa usapin ng pamamahagi ng tablets ay pawang pansariling layon lamang.
Dagdag pa ni Hernandez na wala aniyang katotohanan ang naturang alegasyon lalo pa’t sinunod nito ang procurement law.
Mababatid kasi na bumili ng P320 milyong halaga ng tablets ang lungsod para sa mga mag-aaral nito sa mga pampublikong paaralan sa gitna ng umiiral na online learning.
Kasunod nito, pinabulaanan din ni Hernandez ang umano’y sabwatan nina Malapitan at Education Undersecretary Alain Del Pascua kaugnay ng paggawad ng kontrata sa Cosmic Technologies Inc., na siyang pinagbilhan ng mga tablet.
Sa huli, nanawagan naman si Hernandez sa mga residente ng lungsod na ‘wag aniyang hayaang makalusot ang mga ganitong uri ng pamumulitika sa gitna ng pandemya.