Sisimulan na ang pagbabakuna sa mga economic frontliners o mga kabilang sa A4 priority group ng COVID-19 vaccination program ng pamahalaan, bukas, Lunes, ika-7 ng Hunyo.
Ito ang inianunsyo ni Health Secretary Francisco Duque III kasabay ng pagdating sa bansa ng 1-milyong karagdagang doses ng CoronaVac vaccine ng Sinovac nitong Linggo.
Ayon kay Duque, tututukan nila ang mga lugar na mayroong mas malaking populasyon, maging ang mga rehiyon na nakararanas ng pagsirit ng bagong kaso ng COVID-19.
Dahil dito, mula sa target na 4-milyon hanggang 5-milyon, ay iniakyat na sa 6-milyon ang target na mabakunahan ng pamahalaan para sa buwan ng Hunyo.
Samantala, ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., mahigit 10-milyong doses pa ng COVID-19 vaccine ang inaasahang darating sa bansa sa katapusan ng kasalukuyang buwan.