Dinagsa ng mga turista mula sa National Capital Region (NCR) ang isla ng Boracay.
Ito’y makaraang buksan sa mga turista sa nabanggit na rehiyon ang sikat na tourist destination magmula ng isailalim sa general community quarantine (GCQ) with heightened restriction noong a-1 ng Hunyo.
Batay sa datos ng malay tourism office, pumalo sa 2,905 ang kabuuang bilang ng mga turistang mula sa Boracay mula nang magsimula ang buwan ng Hunyo hanggang nitong linggo.
Mababatid na sa naturang bilang, 1,760 ay mga turista mula NCR, 553 ay mula sa CALABARZON, habang ang nalalabing bilang naman ay mula sa Central Luzon.
Sa huli, nagpaalala ang lokal na pamahalaan ng Boracay na bukas ang kanilang lugar sa mga turistang mula sa NCR plus bubble hanggang Hunyo 15 basta’t paalala lang nila na patuloy na sumunod sa umiiral na health protocols kontra virus.