Arestado ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Rizal ang mastermind sa Wahana Credit and Loan Corporation Investment Scam na bumibiktima sa mga pulis.
Kinilala ang utak sa nasabing investment scam na si dating Police Corporal Michael Yap na nahaharap sa 15 bilang ng estafa.
Ayon kay CIDG Rizal Provincial Chief Police Major Dave Anthony Capurcos, maraming nawala sa serbisyo at nag-away na magkakamag-anak dahil sa nasabing investment scam na tumiba ng milyun-milyong piso mula sa mga naloko nitong pulis.
Sinabi ni Yap na tinangka niyang bawiin ang pera o naiinvest ng mga kabaro niya subalit nabigo siya dahil wala nang naibigay sa kanya ang kumpanya.
Inilagay naman aniya niya ang pera sa Wahana at hindi ito ibinulsa kaya’t wala talaga siyang hawak na pera na ininvest ng mga pulis at maging ang kaniyang mga biyenan ay biktima rin.
Magugunitang 2019 nang magpasaklolo sa mga otoridad ang mahigit 300 katao para tugisin ang limang suspek na nasa likod ng investment scam na nanloko sa kanila, subalit 2018 nang umamin si Yap na mayroong problema sa pondo at nangakong babayaran ang investors.