Suportado ng Philippine National Police o PNP ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Pamahalaan at ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army o CPP-NPA.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, pag-aaksaya lang sa oras ang peacetalks dahil hindi naman sinsero ang mga komunista sa kapayapaan sa halip, gagamitin lang nila ito upang magpalakas ng puwersa at mangalap ng pondo.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na itinuturing na niyang patay ang peacetalks kasunod ng nangyaring pag-atake ng mga komunista sa Quezon at ang malagim na pagpapasabog ng IED sa Masbate na ikinasawi ng mag-pinsang Keith at Nolven Absalon.
Una nang inako ng CPP-NPA ang pagkasawi ng magpinsan sa dahilang nagkamali ang kanilang mga tauhan kaya’t nagpahayag sila ng kahandaan na magbayad ng danyos sa pamilya ng mga nasawi.
Giit ng PNP Chief, napakaraming beses nang sinusubukan na ibalik ang kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng mga Komunista subalit laging dehado ang estado dahil sa halip na manahimik ay sunud-sunod pa ang ginagawang pag-atake ng mga rebelled na nagreresulta sa pagkasawi ng maraming inosenteng sibilyan.