Pinasimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga artista maging sa mga kawani ng movie industry.
Ayon kay MMDA Chair Benhur Abalos, ang naturang hakbang ay bunga ng ugnayan ng Metro Manila Film Festival (MMFF) at Movie Workers Welfare Foundation (MoWelFund).
Dagdag pa ni Abalos na ang pagbabakuna sa mga ito ay makatutulong sa unti-unting pagbangon ng film industry sa bansa.
Magugunitang dahil sa COVID-19 pandemic ay nawalan ng trabaho ang mga manggagawang nasa film industry na maituturing din na mga economic frontliners.
Kasunod nito, umaasa si Abalos na sa mga susunod na araw ay papayagan na ng pamahalaan ang muling pagbubukas ng mga sinehan.