Wala pang pinal na desisyon ang Metro Manila Mayors kaugnay sa posibilidad na isailalim sa normal general community quarantine ang National Capital Region (NCR) simula sa Hunyo 16.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, sang-ayon siya na unti-unti nang maluwagan ang restrictions sa NCR kada-buwan pero pagbobotohan pa aniya ng lahat ng alkalde sa Metro Manila ang kanilang magiging pinal na desisyon ukol sa planong ilagay na sa normal GCQ ang buong kamaynilaan at ilang lalawigan.
Sinabi naman ni Testing Czar Secretary Vince Dizon, na susundin nila anuman ang magiging suhestyon ng mga eksperto.
Subalit naniniwala aniya ang pamahalaan na talagang kailangan nang bumalik sa trabaho ang ating mga kababayan.
Pahayag naman ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, na dahil sa nagpapatuloy na vaccination program ng pamahalaan kaya’t suportado nito ang pagsasailalim sa NCR sa normal GCQ.
Hinimok naman ni Abalos ang mga nasa A4 category group na magpabakuna na upang makabalik na sila sa kanilang mga trabaho.
Una nang inihayag ng Inter-Agency Task Force na target ng pamahalaan na mabakunahan ang 70% ng populasyon sa buong NCR bagao matapos ang 2021.